“Ating liliparin may harang may sibat,
Ating tatawirin daluyong ng dagat,
Basta't kasama mo ako iisang bangka tayo,
Anuman ang mithiin ay makakamtan natin.”
- “Iisang Bangka Tayo”, The Dawn
“Iboy, salya, butong,
Paibabaw, paidalum.
Itulak na ang tukon,
Matulin na ang pagpadayon.” (Dela Cruz 21)
- Awit pamamangka ng Ilonggo
Sakay sa iisang bangka, ang ating mga ninuno noon ay umaawit at sumasagwan nang sabay-sabay tungo sa iisang patutunguhan at sa iisang kadahilanan. Maaaring ang pamamangkang ito ay patungo sa dagat para manghuli ng isda o patungo sa ibang pulo para mangayaw [1] ng ginto at mga alipin. Ito ay isang gawaing magkaugnay sa ontolohikal na kahulugan ng salita. Ngunit kapag ang gawaing pamamangkang ito ay inilipat sa isang gawang-sining: relief sculpture ng iba’t ibang mukha ng mamamayan ng lungsod, na inilagay sa isang bakanteng pader ng Esplanade 3 sa Lungsod Iloilo, at sinamahan pa ng isang ‘nagpapaliwanag’ na metal marker, ito ay maituturing nang isang mitikal na apropriasyon. Isang uri ng senyas (hindi na wika) na manipulado na para maging instrumento ng komunikasyon (Barthes 95).
Ang sining bilang mito ay hindi na kahulugan (meaning), ito ay masasabi nang isang anyo (form) na may layuning lumikha ng mensahe (message) na magpapagalaw o magtutulak sa mga tao na gumawa ng aksiyon angot sa kinakaharap na gawain—sa kaso ng relief sculpture, ang ‘malakas at nagkakaisang’ pagharap ng mga Ilonggo at mamamayan ng Lungsod Iloilo sa pandemyang dulot ng Covid 19 virus na nagsimula sa taong 2020.
Makikita sa sculpture ang isang bangka kung saan sakay ang ‘mga Ilonggo’ (nanay na may bitbit na anak sa unahan, susundan ng mga medical frontliners, ng pulis, rescuer na naka-gas mask, babae, military personnel, bata, babaeng nakasombrero, nakatayong meyor, at mga ordinaryong mamamayan sa kanilang likuran) na may hawak-hawak na sagwan at ang mga mata ay nakatingin sa iba’t ibang direksiyon. Ang walang hawak na sagwan ay ang nanay sa harapan na may bitbit na bata na diretsang nakatingin sa direksiyong patutunguhan at ang nakatayong meyor sa hulihan na siyang may hawak ng timon at siyang ‘nagmamaneho’ ng bangka (mababasa sa marker: ‘Captain of the Ship’) na ang mga mata ay nakatingin sa itaas (imbis na sa harap).
Ang mensahe ng gawang-sining: ‘Iisang bangka tayo’. Sabay-sabay at nagkakaisang susuungin ng mga Ilonggo ang pandemya. Ngunit dahil ang direksiyon ay kontrolado ng taong nasa hulihan ng bangka, ang ‘pagkakaisa’ ng mga mamamayan ay magkakaroon ng politikal na motibasyon: ang ambisyon ng lungsod na maging isang ‘better city for all’ (ayon na rin sa nakasulat sa marker). Itong ambisyon ay hindi rin hiwalay sa iba pang ambisyosong mga taglines na inilatag ng lokal na pamahalaan tulad ng “Bringing Iloilo to the Next Level”, “My Heart Beats in Iloilo”, “Iloilo as Second Highly Urbanized City in the Philippines”, “Art Capital of the Philippines”, “Bike Capital of the Philippines”, at iba pa. Mas inilapit ng anyo (form) ang atensiyon ng manonood sa imahen ng meyor at inilayo sa mga hindi nakikilalang mga tao: mga taong may mukha ngunit hindi mapangalanan. Ang ‘iisang bangka’ bilang mensahe ay naging isa nang propaganda. Isang memoryalisasyon.
Bilang propaganda, ang sining ay hinubaran na ng esensiyal nitong pakahulugan. Naging lantad na ang nakatagong motibasyon at ang kaakibat na pagpapahalaga na siya na ngayong nakikipag-usap sa manonood. Nawala na rin ang kaniyang pagiging makasaysayan, bagkus naging isa na lamang anyo (form) ng komunikasyon: nagpapahinto sa dumadaan, nakikipag-usap, nagpapaliwanag, at nag-uutos ng gagawin; isa nang meta-wika (Barthes 100). Ang ‘iisang bangka tayo’ ay humihikayat na ng pag-imadyin—madaling maintindihan at lumilitaw na natural, sabayan ang pagiging ‘buo’ (full) at ‘walang laman’ (empty).
Subalit hindi naman talaga tinabunan ng anyo ang kahulugan, binawasan lamang nito, inilayo, at maaari pa nga ring ibalik kung kakailanganin. Ang kahulugan ay nawalan lang ng halaga, pero ito ay buhay pa, at sa katunayan ay siya pa ngang pinagkukunan ng lakas ng propaganda. Kayat hindi nakapagtataka na maaaring ‘mangusap’ ang mga ‘naisantabi’ (marginalized) sa relief sculpture: ang dalawang ulo ng ordinaryong mamamayan na nasa likuran ng mga may hawak ng sagwan. Maaari nilang itanong kung bakit sila naisantabi (ulo na lamang ang nakikita sa kanila) at ano ang nakuha nila sa ‘pagsakay’ sa ‘bangka’ ng gobyerno? Maaari ring bigyang pakahulugan ang pagkakaayos ng direksiyon ng mga titig na hindi tuon sa iisa at (hina)harap (harapan at kinabukasan) na direksiyon. Marahil masasabing ang pagkakaiba-iba ng direksiyon ng titig ay dulot ng takot, ngunit masasabing ang gawain at posisyong ito ay bumabaligtad sa hangaring kolektibong marating ang tinutungo. Idagdag pa natin ang ambigwidad ng posisyon ng kapitan ng bangka. Bakit hindi siya nakatitig sa diretsong direksiyong nais tunguhin ng mga kasama sa bangka? Sa mga tanong na ito maaari pang maiaahon ang mga nilunod at itinagong mga kahulugan sa sabayang pagsagwan ng sining at propaganda sa kamakailan lang dumaang panahon ng pandemya.
Footnotes:
[1] Salitang Bisayano na nangangahulugang mandambong gamit ang bangka; gawain ng prekolonyal na Bisayano.
Mga Sinangguni:
Barthes, Roland. Barthes: Selected Writing. Oxford: The University Press, 1982. English.
Dela Cruz, Beato A. Contribution of Aklan Mind to Philippine Literature. Manila: Kalantiao Press, 1958. English.
Taclino, Nonoy. ibsdigital. 2020. English. Biyernes Hunyo 2024. ibsdigital.