Ext. Sa Stage. Batangas. Gabi.
May mga Gen Z na naka-camisa de chino sa saliw ng festive na subli na ritwal-sayaw para pakalmahin ang bulkang Taal o kaya bilang pasasalamat-sumamo sa matabang lupa. Hindi lang mga manunubli ang nasa entablado dahil may mga cheer dancer na bumubuo naman ng pyramid sa likuran habang papasok naman ang mga produkto ng probinsya gaya ng habing Batangan, banig, nilalang lubi at iba pa na susundan ng mga kandidatong naglalakad pa nang pakandirit.
Humingi ng katahimikan para sa isang seremonyal na ‘pag-aalay.’ Isa-isang ibinigay ang mga sagisag sa kandidato habang binabanggit ang simbolo nitong mga birtud sa haharaping laban: barong Tagalog, balisong, at kapeng barako. Sa huling sagisag, aakayin ng binatilyo ang kandidato na may hawak na lusis na rosas papalapit sa naghihiyawang mga tao.
Ext. Pre-event. Quezon. Maulang hapon.
Baha ng pink shirts at flags. Sa gate pa lang ay bubulaga ang expanded version ng community pantry noon na sinimulan ni Patreng. May palitaw, pancit habhab, suman sa lihiya, sumang magkayakap, tikoy atbp. May ilang kandidatong susubok na ipaliwanag ang mga sinusulong na adbokasiya o sinulat na mga batas na kung titingnan ay dapat lang sa isang political rally pero ang awkward pakinggan at umuupo ang mga tao para magpahinga. Mauuna pa sa pista ng Isidro ng Tayabas dahil nagliliparan na ang mga suman at burger habang nagsasalita ang kandidato. Masigla lang kami kapag sisigaw ng chant; halos tugunan ng sapin-saping poot at dismaya, saya't pag-asa.
Nagkalat ang mga plakard tungkol sa coco levy funds, sahod ng manggagawa sa probinsya at mga meme tungkol sa buwis, diploma at revisionism, inilabas ang mga isyu sa mga echo chamber tungo sa mga karton. Kumukuti-kutitap ang mga bead sa headband ni Jolens habang winawagayway naman ang mga pride flag. Demonstrasyon din nga pala ito ng samut-saring dapat maalala bukod sa mga masidhing emosyon. Marahil di naman lahat ng tao rito ay malay sa kani-kanilang politikal na kiling, ang usapan na nga lang sa rally ay “saan ka pa galing?”, “paano mo ‘to niluto?”, “kailangan mo ng tubig? medic?” o kahit pag-aalok ng Cavendish & Harvey o Halls mint candy sa mga nahihilo.
Ext. Pre-Event. Sa Grounds. Batangas. Maalinsangang hapon.
Mas marami rin pala ‘yung mga artista kaysa mga senador. Malabo rin ‘yung pagitan ng rally at ASAP stage na kabi-kabila ang act at performance. Kaiba sa dating gamit ng artista sa mga nagdaang political rally na isa-dalawa lang ang kayang i-afford, ngayon kusa ang endorso. Flex ang mga Darna ng iba't ibang henerasyon. Hindi lang entertainment act yung mga artista ngayon sa mga entablado kundi nagagalit din, humihiyaw at nagtataas ng kamao. Surpresang maririnig ang tibak na tono ng pagpapahayag ng mga artista nga pala; nahubad ang personalidad sa persona. Wala na ring pagitan ang politika at showbiz chika namin ni Tita Cars, kesyo divisive talaga ang era na ito dahil hati rin kahit ang mga Ejercito, Padilla at Baretto. Bakit si ano tahimik? Eh kasi ‘yung asawa n’ya dabarkads. Bakit yung love team na'to walang statement? Ah baka may restrictions sa endorsements. Bakit si ganyan ‘yung galing dats entertainment ang opisyal na sinuportahan? Di ba’t aktibista rin naman si Lea Bustamante? Tinatantiya ang malalaking fan base at inililista ang sinu-sinong artista na ang hindi na papanoorin; hindi naman kompromiso ‘yung pinanggalingan kundi krisis ng telebisyon.
Int. Screens. Team Bahay.
Kung tutuusin transmedia storytelling ang mga nabubuo sa entablado ng rally. ‘Yung mga satirikong ganap mula sa mga influencer, makikita mong dugo’t laman sa pisikal na platform. Realtime ang reactions. ‘Yung nagaganap naman sa entablado ay nahahati-hati rin na mga social media product at lumalabas sa digital na espasyo; at ibang-iba ang maaaring danas batay sa pagkakahati at pagbubuo.
Sa isang TikTok post ko pa nalaman kung ano 'yung papel na winawagayway ng isang kandidato sa rally, RA 11321 o Sagip Saka Act of 2016. Layon nitong laktawan ang mga chechebureche ng government procurement system at direktang bumili ng produkto mula sa mga magsasaka at mangingisda. Ang kandidato ay maglalako sa entablado. Binubulong ng senador ang batas sa mga katabi sa upuan na mga lokal na opisyal habang may act sa entablado ng rally. Kahit puno ng mga posibilidad ang Sagip Saka para ilagay sa mga local development at contingency plan kung may anumang krisis, ay kailangan pa rin itong ilako. Implikasyong hindi kusang tumatagas pababa ang mga polisiya lalo na kung ang sentro ng pakinabang ay kanayunan.
Ext. Sa Stage. Quezon. Halumigmig na pagabi.
May mga Gen Z-millennial na community theater na nag-amok tungkol sa karimlan ng lipunan habang naka-costume ng camisa de chino. Welcome ang iba’t ibang emosyon sa pasinaya. Malimit ding maririnig ang mga salitang laylayan, hustisya, at korapsyon sa sabayang pagbigkas. Nakalalasing ang metaporikal na pag-uugnay ng agenda [kung di man ng kandidato] sa lambanog. Para sa lahat.
Maya-maya, itinaas na ang mga tagayan. Nagsihiyawan, naglundagan, kinilabutan ang mga tao. Kasabay ng pagpasok ng kandidato ang makukulay na aranyas na gawa sa kiping. Wafer na gawa sa giniling na bigas, asukal, at nipisang hinulma sa dahon ng kabal. Lucban ang nakatoka sa production. Isinasayaw ng mga kabataan ang lambanog at tagayan sa saliw ng kantang Naay Po, Pakinabangan na pinasadyang OST ng political rally. Parang homage sa Abaruray o Pandanggo sa Baso kung saan babae ang nanliligaw sa lalaki habang binabalanse ang tagayan sa ulo. Nagkataon lang siguro pero sinong may pake sa accuracy ng cultural reference ngayong gabi. Iwinagayway ang mga pride flag at Abante Babae na may rosas na disenyo sa plakard. Akala mo may sumabog na confetti, akala mo bigla na lang may luminyang banderitas sa langit.
Malamang di lahat ng nasa rally gamay ang pillars of good governance o baka hirap kahit sa pagtukoy sa manipis na ding-ding ng pulitika at pamamahala. Sa kasalukuyang politikal na klima na hinahati-hati ang katotohanan sa mga salaming dinadaanan nito, parang utopian ang hinihinging ideyal na mabuting pamamahala. Kaya may organikong pag-oorganisa ng mga komunidad para sabay-sabay na i-reimagine ang landscape o bawiin ang espasyo ng demokratikong karnabal. Walang mas malaking selebrasyon ng arts and culture o heritage month kaysa sa serye ng mga People's Campaign. Inangkin muli ng mga tao ang entablado, kinanya-kanya ng kada probinsiya.
Samot-sari ang naging rikit ng tao sa tao.