Sa Araw ng Kalayaan, may akmang seremonya ang habagat na pinaibayo ni Chedeng. Kinanlong ng mga abuhing ulap ang tubig ngunit pinalaya rin at hinayaang hugasan ang kosmopolitang Makati. Gayunpaman, ang seremonya ng araw ay nasa Museo ng Ayala — may kasalan sa eksibisyong “Ringal: Juan Luna, Pintor bilang Bayani.”
Sa bulwagan, mauulinigan ang orkestrang bersyon ng “Santa Clarang Pinong-pino,” inaawit upang humiling ng supling sa patron ng Obando. Sadyang matrimonyal at makababae ang musikang maiuugnay sa sinapupunan, isang akmang pagtingin sa tampok na Hymen, oh Hyménée! bilang pagsasaimortal ni Paz Pardo de Tavera o Chiching. Matapos maikasal kay Luna sa kapistahan ng Immaculada Concepcion noong 1886, nakapanaig sa pintor ang musa ng pulutgata kaya masigasig ang paleta’t pinsel. Nalikha pati ang Sorprendidos—ang pagtatanan ng magkasintahan ay may naratibong dumudugtong sa prusisyon ng babae at mga abay sa Hymen.
Sa komposisyon, babae ang estrelya. “Balot ng belo at waring wala sa kasiyahan sa paligid. Makikita siyang mag-isa, taranta, at bulnerable,” anang anotasyon. Gayunpaman, may hiwaga ang pagong sa sahig, ang pag-asam ni Luna na “maging masunurin at masaya habang nasa bahay” ang asawa. Ang simbolismo ay nag-uugat sa pagpapakahulugan ng Griyegong pilosopo na si Plutarch sa estatwa ni Phidias ng diyosang si Aphrodite na may tinatapakang pagong. Ang suri sa lilok ay nanunulay sa mito ng babaeng si Chelone at ng sumpang “mala-bahay” na bao ng reptilya, isang simbolismo ng domestisidad na nakaimpluwensiya sa modernong sining (Dougherty, 2020).
Kakatwang nabanggit iyon ni Plutarch sa gabay nito para sa mga ikakasal. Sinasaling ng pagong ang “elephant in the room.” Nababanggit ito, ayaw man ng may ayaw. Sa isang sulat kaugnay ng 1957 Luna Centennial Commission, hiniling ng manugang ng pintor na lubayan ang trahedya sa lahat ng pagkakataon. Nabasa ko ang krimen nang nag-aaral pa sa Ilocos kung saan nagmula rin si Luna. Escoda ang ngalan ng aming seksyon sa Grade 5, sunod sa tradisyon ng mga bayaning nagsakalye, nagsabantayog, nagsakung-anuman. Hindi nakaligtaan ni Carlos Quirino ang maselang tagpo kahit para sa mga bata ang kanyang libro, tulad ni Luling na nakasaksi sa pagsasahalimaw ng ama.
Ang pagong ay taimtim ngunit mapanganib na pagninilay sa paglulugar sa babae. Kung sasalok ng pananaw sa batis ng sikolohiya, makagagawa ng porensika ng mga emosyon. Sa suyuan, naroon na ang ngitngit nang balaan ng pintor ang nobya na huwag siya nitong ipapahiya sa harap ng pamilya. Nang lumagay sa tahimik, nakapangyari ang lalaki sa usapin ng pananalapi, kontrolado ang pera, maging ang mga alahas ni Paz. Magagalitin ang lalaki, kahit pa kapiling ang biyenan na umako sa mga gastusin sa pagdalang ng kita, isang katuparan ng propesiya na walang mapapala si Paz sa isang artista.
Nais kong alalahaning si Luna ay nagluksa sa pagkamatay ng amang si Joaquin noong Setyembre 1891 na maaaring nagpaahon ng alaala ni Manuel Andres, ang kapatid na una nang yumao sa edad na 26 dahil sa hindi mapangalanang sakit. (Isinunod ni Luna ang ngalan nito kay Luling.) Matapos ang ilang buwan, sumunod si Bibi. Pinangalanan ng pintor ang kumitil sa bunso, ang “pagpapabaya” ni Paz (Quirino, 1992). Nagpunta ang babae sa Mont-Dore upang ipagluksa ang anak at lunasan ang hika ngunit isang paranoya ang tila lumukob sa pintor nang pagbintangang kinakatagpo nito ang ginoong nakilala roon sa paglabas-labas nito ng bahay. Minaltrato ang babae nang pinabulaanan ang bintang. Imbes na may maisuot, sinunog ng bana ang mga damit. Imbes na maguhitan ng lapis ang kilay, pasa ang inabot ng mukha. Tinawag na “brutal” si Luna sa sulat ng biyenang humihingi na ng tulong sa pamilya, hindi maiwan-iwan si Paz dahil baka kung ano ang magawa ng nagngingitngit na lalaki. Sa huli, namayani ang paglulugar sa babae — kasama ang ina — sa anumang panig naroroon ang mga mahabaging diyos, sa diyos man ng [bigong] matrimoniya na si Hymen o sa diyos ng Kamatayan.
Ayon sa La Gaceta de los Tribunales de Paris, naiwika ni Luna na nais niyang mamuhay ang asawa “nang tahimik at payak ngunit kabaligtaran ang nangyari.” Ang pag-amin ni Paz sa hinalang pakikiapid nito ay kinilingan ng hukom gayong puwersahan itong hinugot mula sa kanya sa banta ng baril ng asawa (Hofileña, 2021). Nakapanaig ang depensang walang krimeng nagagawa ang taong “nawawala sa sarili” kaya’t nakapagbayad ang pintor ng isang franc para sa pinsala, nakapagsabi sa mga peryodista na ang 1892 ay taon ng “kamalasan” na tila wala siyang ginawang karumal-dumal, at nakapagpakuha ng litrato sa harap ng tahanan kasama ang kapatid at anak na ang mana’y nailipat sa kanyang pangangalaga bago lisanin ang Kalye Pergolese.
Kung tila “wala” man ang babae sa masayang larawan ng buhay, maaari siyang hugutin mula sa paglulugar sa kanya sa lunan ng mga agam-agam, sa urban legend ng Portrait of a Lady na may sumpa, sa naratibo ng biktimisasyon na tila dinadaig ng lugod dahil sa mga parangal o diplomasya sa paghahandog ng henyo ng mga obra maestra nito sa mga monarko ng lumang daigdig. Disrupsyon man sa nakapamamayaning pagtingin sa pintor, hindi ibig sabihin ng palalim na destrungka ang pagtatanggal ng kanyang mga medalya at tunawin nang mahulma at maihayag ang Hyde imbes na Jekyll. (Sa Pilipinas, hindi nagbabagsakan ang mga likhang-sining na may kaugnayan sa kasaysayan ng kalupitan, tulad ng mga estatwa sa Kanluran.) Ito ay kagyat at kahingian ng lipunan kung saan nakatutok sa Babae ang rebolber na may gatilyong kinakalabit ng mga puwersang normalisado ng toksikong maskulinidad, naisabatas man ang kanyang Magna Carta. Sinasaling ng pangyayari sa Kalye Pergolese ang hibla ng brutalidad ng pamamaslang panahon man ng diktadurya o tokhang, ng pinagpupuyatang mga serial killer sa Netflix, sa birtuwal na litanya ng mga nakipagluksa sa inang pinagsasaksak ng live-in partner, o sa sinabawang modelo sa Hong Kong na balitang bumungad sa Buwan ng Kababaihan.
Ang pagkilala sa dikotomiyang ito ni Luna ay mahalagang salik sa malusog na kolektibong gunita na bumubuo sa bansa—hindi lamang ang sangkatutak nakanbas at bayani nito—na ganap lang na nakakamit kung mananalamin sa kasaysayang hindi naghuhugas ng dugo sa kamay.