Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ng ate kong nasa Jeddah at biglang ipina-renovate ang bahay namin sa gitna ng pandemya. Kailangan tuloy naming pansamantalang makitira ni Mama at ng pamangkin ko sa bahay ng tita ko (na tinatawag kong Mommy). Halos isang buwan din kaming nanatili roon. Wala akong naging problema dahil malapít ako sa mga pinsan kong anak ni Mommy kahit medyo malayo ang agwat ng edad ko sa kanila. Epekto rin siguro ito ng pagtawag ko ng ‘Mommy’ sa kanilang nanay, kaya pakiramdam nila, kapatid din nila ako. At isa pa, laging sinasabi ni Mommy na ako raw ang panganay niya dahil siya ang laging nag-aalaga sa akin noong bata ako.
Isang hapon, nang wala kaming magawa ng mga pinsan ko dahil walang kuryente (normal na mawalan ng kuryente sa Mabitac, Laguna), naisipan naming pumunta sa likod ng bahay nila. Maraming puno sa lugar na iyon. Ramdam mong nasa probinsya ka talaga. Inilabas ko ang cellphone ko at biglang nag-video. Gusto kong gumawa ng experimental film, sabi ko sa kanila. Kahit walang script, sinimulan ko ang pag-shoot. Naisip ko, experimental naman ito, bahala na kung anong kalabasan. Ang ginawa kong mga aktor: ang dalawa kong pinsan. Wala akong ibinigay na instruction sa kanila. Kinunan ko lang silang dalawa ng video habang naglalakad, tumatakbo, at pinaglalaruan ang mga halaman at puno sa paligid. Ang kinalabasan ng film nang ini-edit ko: black and white, wala pang dalawang minuto ang tagal, at walang diyalogo. Pinatungan ko ito ng isang copyright-free na background music, na ang genre ay experimental din, at ang tanging lyrics lang ay “Please make your way to the nearest safe place.” Natuwa kami ng mga pinsan ko dahil bumagay sa mga tagpo sa pelikula ang music. Ang walang kabuluhan nilang paglakad, pagtakbo, at paglalaro, biglang nagkaroon ng kahulugan. Para talaga silang may tinatakasan na panganib at naghahanap ng isang ligtas na lugar. Sa huli, napagdesisyunan naming To the Nearest Safe Place ang pamagat ng pelikula.
Mahalaga ang pananatili sa isang ligtas na lugar, lalo na sa panahon ng pandemya. Subalit may mga tao na hindi puwedeng manatili lang sa bahay, kagaya ng ate kong frontliner na nása ibang bansa. Habang ipinagagawa ang bahay namin dito sa Pilipinas gámit ang perang matagal niyang pinag-ipunan, nagpositibo siya sa COVID-19. Hindi siya bida sa isang pelikula, hindi niya puwedeng basta-basta takbuhan ang isang panganib, lalo na kung hindi ito nakikita. Araw-araw, tuwing pagkagising ko, iniisip ko kung ano ang kahihinatnan niya. Nahihirapan akong kumustahin siya, kahit sa chat lang, dahil ayaw kong harapin ang katotohanan na mayroon talaga siyang sakit at nása lugar siya na malayong-malayo sa amin. Iniisip ko rin si Papa na nasa ibang bansa kagaya niya. Gusto kong hanapin ang pinakamalapit na daan upang magsama-sama kaming lahat. Subalit alam kong imposible. At wala akong magagawa.
Isa sa mga naidulot sa akin ng quarantine ay ang madalas na paggunita. Kapag iniisip ko ang mga pangyayari bago tuluyang kumalat ang virus sa bansa, para akong tumitingin sa isang napakatagal nang alaala. Halimbawa, pakiramdam ko, parang isang taon na akong hindi nakasasakay ng bus galing Maynila pauwi rito sa Laguna. Pero ang totoo, nangyari lang iyon noong Marso, noong sinuspinde nang isang linggo ang mga klase dahil nagkaroon na ng kaso ng COVID-19 sa NCR, noong umuwi ako sa apartment ko sa San Juan upang kunin ang mga damit ko, noong pumunta ako sa terminal ng bus sa Legarda upang umuwi nga sa probinsya.
Ilang buwan na akong hindi nakababalik sa Maynila simula pa noong Marso. Naiwan ko roon ang ilan ko pang mga damit na hanggang ngayon ay hindi ko pa nakukuha. Dahil din sa quarantine kayâ ko napagtanto na kahit gaano kagulo ang lungsod, hahanap-hanapin ko pa rin ito. Ngunit, kung pag-uusapan ang kaligtasan, siguradong mas ligtas ako rito sa probinsya. Halos walang kaso ng virus dito sa Mabitac. Kung mayroon man, paisa-isa, at nagnenegatibo rin naman kaagad. Ito na lang ang sinasabi ko kapag nakararamdaman ako ng inip dito sa amin.
Subalit hindi nananatiling ligtas ang isang lugar. Laging may darating na panganib kahit maliit lang ang tsansa. At bakit nga ba nagkakataon na iyong malapít sa iyo ang daratnan ng panganib na iyon? Parang isang pelikula. Pinaliliit ang mundo sa loob ng apat na sulok ng camera. Hindi ba ang mga bida o malapít sa bida ang laging humaharap sa pagsubok, na para bang wala nang ibang tao sa daigdig? Ngunit, nangyayari din pala ito sa totoong buhay.
Nang natapos na ang renovation ng bahay namin at ilang linggo na kaming nakauwi, nagpositibo sa COVID-19 ang asawa ni Mommy. Ito lamang, nang sandaling iyon, ang positibo sa buong bayan namin. Inisip ko ang mga pinsan kong bida sa pelikulang To the Nearest Safe Place. Hindi na sila makatatakbo, dahil hindi na muna sila puwedeng lumabas. Nang sandaling iyon, kaming mga nasa paligid nila ang kailangang maging ligtas sa panganib.
Pakiramdam ko, bumabaw ang kaligayahan ko dahil sa quarantine. Ang bilis kong matuwa sa mga bagay na simple lang. Ngunit, kapag inisiip ko kung bakit ba talaga ako masaya, napagtatanto ko na mayroon naman palang malalim na dahilan. Iyong paggaling ng ate ko sa COVID-19, halimbawa. O iyong pagiging negatibo ng pamilya nina Mommy sa virus. Napatunayan nila na kaya naman talagang takbuhan o lampasan ang mga panganib.
Maliban sa mga pinsan ko, hindi ko pa ipinapanood sa iba ang pelikulang ginawa namin. Marahil, hindi ko naman talaga ginawa ang pelikulang iyon upang ipapanood. Marahil, gusto ko lang talagang ipreserba ang alaalang iyon, upang balang-araw ay mayroon kaming babalikan. Kahit nga sa simula pa lang, wala naman talagang dahilan kung bakit namin iyon ginawa. Hindi ko alam kung kailan ulit kami gagawa ng pelikula (o kung pelikula ba talaga iyong maituturing), o kung papayag ba sila na gawin ko ulit silang artista. Gayunpaman, sigurado ako na sa totoong buhay, kahit ano man ang dumating na panganib sa aming lahat, sama-sama namin itong lalampasan. Hanggang sa matagpuan namin ang isang ligtas na lugar.
ABOUT THE PRIZES
In solidarity with the Filipino community affected by COVID-19, the Ateneo Art Gallery in cooperation with the Kalaw-Ledesma Foundation, Inc. has organized the AAG x KLFI Essay Writing Prizes to support writers affected by the crisis. With the theme “Thoughts and Actions of Our Time: Surmounting the Pandemic,” writers were encouraged to submit essays that reflect on or discuss the turmoil, struggles, initiatives, and expressions of hope during these trying times.
Through this Prize, the Ateneo Art Gallery hopes to extend assistance to artists and writers in its capacity as a university museum highlighting the Filipino creativity, strength, and resilience during this difficult period.
After receiving more than 100 submissions for the competition, six (6) winning entries were selected by a panel of jurors for each of the student and non-student categories. Writers of the winning entries received a monetary prize and their essays will be published by the Ateneo Art Gallery in an exhibition catalog accompanied by images of shortlisted works from the Marciano Galang Acquisition Prize (MGAP). Essays are also published in the Vital Points website, the online platform for art criticism developed by AAG and KLFI.
View the online exhibition for MGAP and the AAG-KLFI writing competition here.