Madalas nating ikinakabit ang sining-bayan sa temporal nitong karakter. Bahagi ng nagdaang panahon ngunit nakaliligtaan natin na ang sining-bayan ay aktibo at dinamiko. Dumadaan ito sa masalimuot at matalik na proseso kaya ang sining-bayan ay búhay at buháy na tradisyon. Nagpapatuloy itong riyalidad sa usaping pansining at kultura ng ating bansa. Matatagpuan sa sining-bayan ang mga halagahan, artistikong pagpapahayag, estetika, paniniwala, pananaw-sa-daigdig (worldview) at iba pa. Kaugnay ng tradisyonal na sining, pumapaimbulog ang dalawa sa pag-iral na humahangga sa panahon at nagpapaigting sa kolektibong kamalayan.
Malaki ang epekto ng pandemiyang Covid-19 sa global na ekonomiya ngunit maging sa sining at lokal na produksiyon ng sining. Hindi natin inaasahan ang masidhing pagbabago ng ating mga buhay, sa usapin ng kultural na establisimyento isinara ang mga aklatan, museo, galeriya, entablado at iba pa. Nalimitahan ang mga espasyo ng ating pagdanas sa sining. Matapos ang ilang buwan ng mga agam-agam sa hinaharap, naganap sa panahong ito ang malawakang migrasyon sa onlayn na plataporma. Ang birtwal na mundo ang naging lunsaran ng mga talakayan, panayam, palihan, paglulunsad ng mga eksibisiyon at publikasyon. Sinikap ng iba’t ibang proyekto sa ilalim ng mga sangay at programang pangkultura at sining na umigpaw sa kasalukuyang kondisyon ng panahon. Muling naging masigla ang mga diskusyon sa sining at kultura at nakabuo ng malawak na base ng mga manunuod mula sa mga mag-aaral, guro, mananaliksik, at iba pa. Ngunit kung tutuusin, sa pagtutok natin sa mga iskrin ng ating kompyuter at iba pang dihital na kagamitan, nawala ang matalik na apresyasyon sa isang likhang sining. Hindi natin matitigan, mapakinggan, at mapanuod nang personal at malapit. Mahalaga rin sa ating kultura ang pagiging tactile ng isang bagay. Nagbunga ito ng panibagong espasyo gayunpaman, may limitasyon at imbisibleng hanggahan.
Karaniwang ikinakabit natin ang sining-bayan sa pagiging dekoratibo at domestikado tulad na lamang ng taka (Paete), kayas (Pakil), at parol (Pampanga). Pinatitibay ng paglikha ang relasyong pagkakamag-anak. Ipinapasa henerasyon sa henerasyon ang kaalaman sa produksiyon. Ngunit sumasalamin din ito sa mga damdamin tulad ng kasiyahan at lumbay. May mga sining-bayan na makikita ang halaga at kagamitan sa mga kaganapang panlipunan tulad ng singkaban ng Bulacan. Ginagamit ito sa mahahalagang okasyon tulad ng kasal, binyag, kaarawan, at piyesta. May mga sining-bayan na nakabatay sa mga relihiyosong pagdiriwang tulad ng pagmomoryon (Marinduque). Ang mga nabanggit ay naging paksa ng talakayan sa “Tuloy Po! Kuwento ng mga Manlilikha” sa Likha-an Resource Center Facebook page at Zoom.
Sa pagtingin na ito, muli nating balikan ang kahalagahan ng sining-bayan lalo na nahaharap tayo sa malaking hamon ng panahon ngayon. Paano natin maisusulong pa ang sining-bayan at matutulungan ang mga manlilikha nito? Ano ang hinaharap na naghihintay sa ating sining at kultura?
Malalim na nakaugat sa ating kamalayan ang kolektibong katangian ng paglikha. Hindi lamang ito nililikha ng isang tao at para lamang sa makasariling tunguhin. Lagi itong nakakabit sa pangangailangang espiritwal, pagpapanatili ng kaayusan at relasyong panlipunan, at lunggati ng lahi. Kung lilimiin pa, halos kasingtanda ng ating mundo ang paglikha. Sa mga matandang kaugalian sa bansa, gabay natin ang mga diwata at diyos sa paglikha. Lagi’t laging may makapangyarihang pwersa na siyang nagpapanatili ng buhay. Sila ang nagbibigay ng lakas, tatag, at tayog ng malikhaing isip sa paggaygay sa paglikha. Sa panahon ng kolonisasyon nahaluan ang mga naratibo sa paglikha, gayundin, naiangkop natin sa ating kultura ang impluwensiyang Kanluranin. Ngunit marami rin sa mga ito ang napanatili natin sa orihinal nitong konteksto. Mahalaga ang pagbalik natin sa kasaysayan upang malalim na maunawaan ang sinapupunan ng ating kultura.
Sa pagpapatatag ng sining-bayan nangangailangan ng masinsing pananaliksik na hindi lamang nakatuon sa porma ngunit maging sa naratibo, konteksto, kasaysayan, manlilikha, at mga kaisipang nakapaloob dito. Palawakin ang cultural mapping lalo na sa mga komunidad labas sa Maynila. Paunlarin natin ang pagbuo ng artsibo ng mga pag-aaral sa mga lokal na sining at kultura. Kaakibat din nito ang paggamit sa mga lokal na terminong magpapayaman sa ating bokabularyo. Matatagpuan ang salimisim ng paglikha sa mismong wikang tumutukoy dito. Isa pa sa mahalagang ikonsidera ang paggamit sa relihiyonal na wika sa pagsusulat ng kritisismong pansining. Lagi natin itong ilapat sa wika ng ating pagkatao at ilapit sa mga taong pinagmulan nito. Ang masidhing kamatayan ng wika ay hindi paggamit dito. Sa ganitong layon, pumapaloob tayo sa lokal at nasyonal na iskolarsyip sa araling sining at kultura.
Sa pag-unawa sa dinamikong puwersang nagpapainog sa ebolusyon ng paglikha nangangailangang maunawaan natin ang kaisipan ng mga manlilikha. Para saan at kanino ang paglikha? Ano ang nagbubunsod sa kanila? Mahalagang suportahan natin ang mga manlilikha ng sining-bayan at tangkilin ang kanilang likhang sining. Ngunit dapat may hinay, ibig pang sabihin, huwag gawing istandardisado ang mga likha at ikulong sa kapitalistang layunin. Hayaan nating silang lumikha ayon sa kanilang nais at panahon. Sa mga sining-bayan na nakaangkla sa relihiyosong pagdiriwang, igalang natin ang kanilang pananampalataya at pamamanata. Huwag nating ituring na isang espektakulo lamang ngunit ito ay may higit na lalim sa pagpapakahulugan ng buong komunidad.
May dalawang dimensiyon ang sining, sa pangkabuoan: una, bahagi ito ng materyal na kultura at ikalawa, karunungang nakalapat sa pamumuhay at adaptasyon sa heograpikal at ekolohikal na kondisyon. May mga ritwal at pagdiriwang tayo para sa pag-aani, paglalayag, pangingisda at iba pa. Gayundin, sa pagdadakila sa iba’t ibang siklo ng buhay at galaw ng kalikasan. Huwag nating kalimutan ang espiritwal na aspekto ng sining. Muli tayong makipag-ugnayan sa kalikasan at mga tagapagbantay ng lahat ng buhay. Higit sa lahat, pinagtitibay ng paglikha ang mismong pakikiugnayan natin sa ating kapwa at komunidad.
Bilang panghuli, sa pagsulong natin sa pag-aaral ng sining huwag nating kaligtaang pangalagaan ang buhay ng ating mga manlilikha. Ipaglaban natin ang kanilang karapatan lalo na ang mga nabibilang sa pambansang minorya na dumadanas ng matinding karahasan tulad na lamang ng pag-agaw sa mga lupang ninuno, pagsira ng kanilang tahanan, giyera at iba pa. Tandaan natin na ang mga manlilikha ay hindi lamang obheto ng ating pag-aaral ngunit sila ang nangangalaga sa hiyas pangkultura ng ating bayan.