Mag-aanim na buwan na mula nang huli akong nakatapak sa labas ng aming tahanan. Nagsisimula na ulit marinig ang mga kanta ni Jose Mari Chan sa radyo ng kapitbahay, ngunit hindi ko pa rin dama ang Pasko. Kahit ang tambol na lata at mga tansang pakalansing ay hindi ko na rin magagamit ngayong taon. Ano ba kasi itong lumalaganap na sakit sabi ni Nanay? COVID? Katunog ng lubid, kaya pala parang itinatali kami sa loob ng aming tahanan. Lubid, na tila nakapulupot sa sikmura naming kumakalam mula noong nasibak sa trabaho si Tatay. Lubid, na lalong pinalalaki ang agwat sa pagitan ng mga maralita’t nakaaangat sa lipunan. Tulad ng isang metaporang aking narinig sa tsismisan sa labas ng aming bintana, tayo’y pare-parehong nakalutang sa isang maalong karagatan, subalit ang iba’y nakabarko, may mga nakasakay sa bangka, o kaya’y balsa, may mga palutang-lutang gamit ang salbabida, ngunit mayroon ding tulad naming unti-unti nang nalulunod.
Hindi ko malilimutan ang hapong umuwi si Tatay nang pugto ang mga mata. Isinisigaw ng kanyang panlulumo ang tila masamang balita. Matapos yakapin ng aking ina’y nakita kong tumulo ang kanyang luha sa unang pagkakataon, kasabay ng pagtulo ng ulan sa aming butas na bubong. Isa siya sa mga nawalan ng trabaho dahil sa pagkalugi ng pinapasukan niyang pabrika ng tsinelas. Mula noon, nagsimulang pumulupot ang lubid sa aming sikmura. Naging musika sa aming pandinig ang pagkatok ng kapitan ng barangay sa aming pinto upang mag-abot ng limang itlog at dalawang lata ng sardinas na pinipilit naming pagkasiyahin sa loob ng isang linggo. Mahirap, subalit mas mabuti na ang ganito kaysa mamatay sa gutom. Mapalad pa kung minsan may darating na mga grupo ng mag-aaral mula sa pribadong sektor na namimigay ng mga balot ng tinapay, bigas, at sabon. Mas nakalulungkot isiping maraming manggagawang nawalan ng trabaho at maraming negosyo, maliit man o malaki, ang nagsara dahil sa pandemyang ito. Mula sa isang pahayagang naiwan sa aming papag na kawayan, natuklasan kong pumalo sa 7.3 milyong Pilipino ang walang trabaho, sa naitalang 17.7% na unemployment rate noong Abril, at inaasahan pa itong tumaas lalo’t hindi pa rin bumababa ang nagpopositibo sa naturang sakit.
Patuloy lamang ang pagtaas ng kaso at bilang ng namamatay sa bansa, ganoon rin sa aming barangay. Noong huling linggo ng Marso, naging usap-usapan ang pagkamatay ni Aling Julita na nangungupahan sa tapat namin. Nailibing na siya bago pa lumabas ang resulta na siya’y nagpositibo. Bukod sa kakulangan sa test kits dahil sa kasagsagan ng tinatawag na VIP testing noon, nanghihinayang rin si Aling Julita sapagkat napakamahal magpagamot at baka hindi kayanin ng kanyang pamilya ang gastusin. Kamakailan lamang ay pumanaw rin ang isang nars na naninirahan sa kabilang kanto, dahil nahawa siya sa isang pasyenteng naglihim na siya’y nakararanas ng mga sintomas ng naturang sakit. Ayon sa kanyang pamilya, hindi man lamang nakatanggap ng nararapat na benepisyo ang nasabing nars sa kabila ng araw-araw na sakripisyo at serbisyo, tulad ng mga ibinabalitang nasasawing medical frontliners sa telebisyon na hindi nakakuha ng limandaang pisong hazard pay. Hindi sapat ang tawagin silang mga “bayani”. Hindi naman sila bubuhayin ng mga mabulaklak na katawagan gaano man ito kagandang pakinggan, bagkus kailangan nila ang suporta ng pamahalaan, tulad ng gamit pamproteksyon at regular na pagtiyak kung sila’y nananatiling negatibo sa sakit. Hindi natin masisisi kung bakit ninanais na lamang mangibang bansa ng ibang nagtapos ng medisina dahil sa mababang pagtrato sa kanila dito. Ako man na nangangarap maging doktor ay nagdadalawang isip kung dapat ko pa bang ituloy at panghawakan ang pangarap kong ito.
Bukod sa hindi kaaya-ayang pagtrato sa mga propesyunal sa medisina sa Pilipinas, isa pa sa mga pumipigil sa akin upang makamit ang pangarap na maging doktor ay ang panibagong paraan ng pag-aaral. Dahil hindi pa maaaring magkaroon ng klase sa mga paaralan, isinusulong ngayon ang distance learning na kadalasang gumagamit ng internet, at mga kagamitang elektroniko. Hindi lingid sa ating kaalamang isa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamahinang koneksyon sa internet. Marami ring mga kabataan ang walang gamit upang makasabay sa ganitong paraan ng pag-aaral. Tulad namin na wala na halos makain, saan namang kamay ng Diyos kami hihiling ng pera para magamit sa pag-aaral? Base sa huling datos ng Kagawaran ng Edukasyon bumaba nang higit sa 20% ang enrollment rate ngayon kumpara sa nakaraang taon; mahigit sa anim na milyong mag-aaral sa hayskul at elementarya ang hindi makapag-aaral ngayon. Hindi rin lahat ng tahanan ay angkop para sa pag-aaral. Naalala ko pa ang kwento sa akin ng kaibigan kong si Linda kung paano siya binubugbog ng kanyang ama kapag hindi agad siya nakasusunod sa utos. Paano kaya siya mag-aaral sa ganoong kondisyon? Baka habang kumukuha ng pagsusulit ay utusan siya o kaya habang nagkaklase ay batuhin ng kawali; hindi ko alam, ngunit nakakatakot isipin. Ang tanging bagay na sigurado ko, hindi para sa lahat ang distance learning. Tulad ng katawagan dito, lalo lamang nitong pinalalaki ang distansya ng mga may prebilehiyo, sa tulad naming nasa laylayan.
Tuwing gabi, dumudungaw ako sa bintana upang panoorin ang siklo ng paglaki at pagliit ng buwan para sukatin kung gaano katagal na ba tayong nakagapos sa lubid ng pasakit. Napapaisip rin ako kung ilang siklo pa ba nito ang maaabutan ko. Noong isang linggo pa kasi ako nawawalan ng panlasa at nagpipigil ng pag-ubo. Iniisip kong baka dala lang ng gutom o hamog dulot ng gabi-gabing panonood ko sa paglalayag ng buwan. Ayaw ko na ring dumagdag pa sa problema nina Nanay. Binabalot man ako ng pangamba sa kung anong maaaring dala ng kinabukasang walang katiyakan kung akin pa bang masisilayan, nananalangin na lamang sa mga kumikindap na bituing sana isa lamang masamang bangungot ang lahat, at sakali mang totoo’y magkaroon na ng konkretong plano, at kumilos na ang gobyerno at mga tao upang lagutin na ang lubid na patuloy kumikitil at sumisira ng maraming buhay: ang COVID-19.
ABOUT THE PRIZE
In solidarity with the Filipino community affected by COVID-19, the Ateneo Art Gallery in cooperation with the Kalaw-Ledesma Foundation, Inc. has organized the AAG x KLFI Essay Writing Prize to support writers affected by the crisis. With the theme “Thoughts and Actions of Our Time: Surmounting the Pandemic,” writers were encouraged to submit essays that reflect on or discuss the turmoil, struggles, initiatives, and expressions of hope during these trying times.
Through this Prize, the Ateneo Art Gallery hopes to extend assistance to artists and writers in its capacity as a university museum highlighting the Filipino creativity, strength, and resilience during this difficult period.
After receiving more than 100 submissions for the competition, six (6) winning entries were selected by a panel of jurors for each of the student and non-student categories. Writers of the winning entries received a monetary prize and their essays will be published by the Ateneo Art Gallery in an exhibition catalog accompanied by images of shortlisted works from the Marciano Galang Acquisition Prize (MGAP). Essays are also published in the Vital Points website, the online platform for art criticism developed by AAG and KLFI.
View the online exhibition for MGAP and the AAG-KLFI writing competition here.