“Teachers get mad when we’re quiet; teachers get mad when we’re loud. What do you want us to do?” Nabasa ko ito sa chat sa Zoom. Homeroom na ng klase ko sa Grade 10, at pinaaalalahanan ko ang mga estudyante ko na sana, mag-unmute naman sila kapag klase. Nahihirapan kasi ang mga guro, kuwento ko.
Sinubukan kong magsalita, pero narinig ko ang garalgal sa sariling boses. Ayaw ko sanang umiyak sa harap ng klase ko. Isa, dalawa, tatlong minuto ang lumipas—hindi ko na rin alam—hanggang sa nakapagsalita na akong muli, at nagpasyang magpaalam na muna sa kanila.
Hindi ko sila maabot.
Simula noong mag-umpisa akong magturo, hindi ko naging problema ang konsepto ng pagmamahal. Hindi ko rin alam kung bakit. Siguro, dahil mukha akong bata, na karamihan sa mga estudyante ko, mas matangkad pa sa akin.
Sa iba, isa ito sa malalaking hamon, lalo na sa pagtuturo sa high school—ang balanse sa pagiging kaibigan at guro. Sa akin, naging natural ang maging kaibigan at guro sa mga mag-aaral, at malaking tulong ito sa pagtuturo. Dahil magaan ang loob ng mga estudyante sa akin, nagiging mas madali ang pakiusapan sila na makinig, na magbasa para sa klase, na magpasa ng mga kahingian. Nagiging mas magaan rin ang mga klase—pinasisigla ng biruan at kuwentuhan, at pinalalalim ng makabuluhang diskusyon.
Kapag tinatanong ako kung ano ba ang sikreto sa pagiging adviser na may mapagmalasakit at maayos daw na advisory class, korni man ang sagot, ang alam ko, pinipili kong maging mabuti sa kanila. Kasama roon na palagi akong makikinig, makikipag-usap, at umuunawa.
Pinipili kong maging mabuti, mula sa malalaking bagay gaya ng pakikinig muna sa kanila sa tuwing may isyu, papunta sa maliliit, gaya ng sinisiguro kong may guro na magpapaalala sa kanila tuwing umaga, at magdi-dismiss sa kanila tuwing hapon. Itong paniniwala rin na ito ang palagi kong sinisikap ituro sa mga mag-aaral: choose kindness.
Ikaapat na taon ko na bilang guro, at palagi itong epektibo. Palagi, tahanan ko rin ang silid-aralan, at tahanan din ito para sa mga mag-aaral. Kada hapon, pagod man ako dahil puno ang araw, pahinga ang homeroom, dahil para rin akong umuuwi.
Hindi kailanman naging problema sa akin ang konsepto ng pagmamahal.
Hanggang sa dumating ang pandemya, at napilitan tayong maghanap ng espasyo sa bagong normal—na bawat guro at mag-aaral, kinailangang literal na maghanap ng espasyo sa bahay para makapagpatuloy, habang pinapanood ang mundong hindi natin alam kung hanggang kailan pa kakayanin ang pagpapatuloy.
Doble o triple ang kayod ng mga guro sa online learning. Hindi na bago sa mga guro ang multi-tasking, pero ibang lebel ang hinihingi ng bagong setup—bawat aralin, may slides o video o laro, ikaw ang host sa Zoom kaya ikaw ang nag-aasikaso ng meeting room, at kailangan mong mag-isip ng mga pakulo na hindi pagsasawaan ng mga mag-aaral.
Bukod pa riyan ang preparasyon ng workspace mismo, gaya ng pagbili ng office table, office chair, earphones o headset. Phone stand, power bank, extension cord, pati na coaster para sa mesa—lahat ng ito, para masiguro ang kahandaan sa klase.
Sa tulad kong nagtuturo sa progresibong institusyon, nahirapan din ang mga mag-aaral dahil sanay sila sa interaktibong mga aralin—sanay sila na facilitator lang ang guro at sila ang kadalasang nagdidikta ng daloy ng klase. Sanay sila na lumalabas, kahit ng silid-aralan lang, para magtanong-tanong sa ibang mag-aaral, o sa ibang guro, o magmasid, para matuklasan ang kabuluhan ng inaaral nila sa ‘totoong buhay’.
Dahil ayaw naming mawala ang kagustuhan ng mga mag-aaral naming matuto, todo-todo ang pagsisikap naming maging progresibo pa rin ang mga klase, kahit online. Kahit sa totoo, nakakaubos na rin ng utak ang pagod.
At pagkatapos ng lahat ng preparasyon, naroon pa rin ang pakiramdam na hindi ko na sila maabot.
Noong una kong nakita ang advisory class ko sa unang araw ng school year, dama ko ang layo sa kanila. Magkakatabi ang mga mukha namin, pero pagkalayo-layo namin sa isa’t isa. Palaging paalala ang screen kung gaano kalayo; paalala ng walang kasiguraduhan kung kailan ba matatapos ito, at kung may katapusan ba.
Sa paglipas ng mga araw, may lumbay pati sa ‘good teaching days’, dahil palaging may panghihinayang at paghahanap sa dati. Sa paglipas ng mga araw, titiisin kong makita ang mga estudyante sa Zoom na tumatawa at nagsasalita habang naka-mute, dahil mayroon silang ibang kausap at ginagawa habang nagkaklase. Pakikiusapan, paaalalahanan, pero magtitiis, dahil hindi nila kasalanan kung nasaan sila ngayon, at dahil hindi ko alam kung ano bang pinagdadaanan nila sa sari-sariling tahanan.
Nakailang iyak na rin ako dahil sa setup ng classroom ngayong taon, at lalong nanlulumo sa pagtatanong: may karapatan ba akong umiyak gayong kung tutuusin, mas maayos ang lagay ko sa napakaraming guro—sa napakaraming tao sa bansa? Ligtas pa ako at ang pamilya ko—may pambili pa nga ako ng mga karagdagang kagamitan pang-online class gaya ng ring light at condenser mic, kaya bakit ako mag-iinarte? Makatarungan bang nakakapagturo pa rin ako kahit napakaraming hindi na? Mabuti bang nakakapag-aral pa rin ang mga estudyante ko kahit napakaraming walang akses sa edukasyon? Walang katapusan ang mga tanong, at para bang walang solusyon. At lalong maiiyak, dahil isa lang ako sa napakaraming mga guro na ganito rin ang mga tanong, araw-araw.
Pero patuloy lang kami sa pagsalo, kahit wala ring kasalanan.
Pagkatapos ng Homeroom, isang oras din akong umiiyak. Binigyan ko ng limit ang sarili—ito lang ang kaya kong ibigay na oras sa breakdown ko, dahil bukod sa pagiging guro, nanay, asawa, raketera, at mag-aaral din ako. Marami pa akong gagawin.
Maya-maya, dumating ang mga mensahe sa messenger, galing sa mga bata.
“Sorry about what happened earlier, I know we're all having trouble adjusting to online classes but it still isn't right for us to be disrespectful,” sabi ng isa.
Bumangon na ako sa pagkakahiga. Bukas, panibagong araw uli ng pagpili at pagtuturo ng kabutihan. Siguro, mayroon tayong magagawa, kahit pa araw-araw na hapong-hapo, at ito ang magagawa ko.
Maaabot rin, sana.
ABOUT THE PRIZES
In solidarity with the Filipino community affected by COVID-19, the Ateneo Art Gallery in cooperation with the Kalaw-Ledesma Foundation, Inc. has organized the AAG x KLFI Essay Writing Prizes to support writers affected by the crisis. With the theme “Thoughts and Actions of Our Time: Surmounting the Pandemic,” writers were encouraged to submit essays that reflect on or discuss the turmoil, struggles, initiatives, and expressions of hope during these trying times.
Through this Prize, the Ateneo Art Gallery hopes to extend assistance to artists and writers in its capacity as a university museum highlighting the Filipino creativity, strength, and resilience during this difficult period.
After receiving more than 100 submissions for the competition, six (6) winning entries were selected by a panel of jurors for each of the student and non-student categories. Writers of the winning entries received a monetary prize and their essays will be published by the Ateneo Art Gallery in an exhibition catalog accompanied by images of shortlisted works from the Marciano Galang Acquisition Prize (MGAP). Essays are also published in the Vital Points website, the online platform for art criticism developed by AAG and KLFI.
View the online exhibition for MGAP and the AAG-KLFI writing competition here.