Ang pagsasapantaha ng pagbabago ay hindi lamang nangangahulugang pagpapakita ng isang imagined world. Kaakibat nito ang malay na pagtingin sa katotohanan ng isang masalimuot na kasalukuyan, espasyong iniinugan, mga materyal na bagay, at sa hindi malilimutang nakaraan. Ang gayong paglalahad ng realidad ng mga ito ay bahagi ng pagpapalagay ng pagbabago o ng imagined world—isang pagpapalagay na malay at batay sa kalagayan at kinakailangan ng panahon. Ang mga palagay na ito ay isinisiwalat sa pamamagitan ng mga likhang sining na bahagi ng eksibisyong “Gintong Liwayway.”
Ang “Gintong Liwayway: Sining ng Progresibong Pagbabago” ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-50 taong anibersaryo ng UP Artists’ Circle Fraternity. Ito ay matutunghayan sa Anima Art Space na matatagpuan sa ikalawang palapag ng Chanca Building, isang gusali sa Abenida ng Commonwealth, Lungsod ng Quezon. Sa dulo ng ikalawang palapag ay makikita ang dalawang glass door papasok sa isang kwarto. Sasalubong ang patatuhan ng Don Antonio Tattoo pagpasok sa loob ng silid. Kailangang bagtasin ang gilid ng patatuhan kung saan nakaupo ang mga marahil ay naghihintay na kostumer upang marating ang entrada ng Anima Art Space. Sa pagbukas ng isa pang glass door ay mararating ang galeriya nito kung saan matatagpuan ang higit tatlumpung likhang sining ng dalawampu’t dalawang artista ng bayan para sa eksibisyong “Gintong Liwayway.” Nagsisilbing pahayag ng panahon, paghinumdom ng personal at kolektibong alaala, at tuon sa tungkulin ng espasyo ang mga likhang sining na kabilang sa eksibisyon. Direkta at literal ang mga hugot ng metaporikong pagsasalarawan at mga hango sa tinipong mga tala ng karanasan.
Ang likhang larawan na “Sakto Lang” ni Antonio Pagaran, Jr. ay interpretasyon na halaw sa naratibo at karanasan ng aping masa—uring magsasaka at manggagawa na karaniwang mga biktima ng kawalang-katarungan sa kasalukuyang panahon. Ang madalumdum na sapit ng mga ito ay ipinapahayag sa mga manggagawang ang mga paa o katawan ay pawang kinakain ng maitim na lupang kanilang kinatatayuan. Makikita ang isang obrero na nagtatapal ng mortar sa ladrilyong hugis tatsulok sa gitna ng larawan. Makikita din ang paglalahad na ito sa “Siyang Pinaulanan ng Bala at Taga,” lilok ni Mherlo Mahinay na gawa sa polimer na luwad. Isang imahen ng nakaluhod at sugatan na tao na may mahahaba at matutulis na salaming nakatayo sa likod nito ang kabuuan ng eskultural na likha ni Mahinay. Parehong putol ang magkabilang braso ng tao na may malaking biyak sa ulo. May nakabaon naman na bala ng baril sa kaniyang kanang mata. Mayroong mga pulang lubid na pawang mga sumirit na dugo o mga ugat na tila nakakabit sa mga salamin at lupang niluluhuran nito. Sa kaniyang butas na sikmura ay makikita ang batang nakasilip na tila nagdadalamhati sa mala-kulungan nitong lagakan. Ang mga masalimuot na karanasang ito ang malinaw na pinagninilayan ng mga likhang sining sa eksibisyon.
Sa bawat danas ang espasyo ang isa sa itinuturing na saksi at salik. Sa “Mga Entablado ng Digma” ni Alexis makikita ang dalawang guhit ng mapang binubuo ng mga biluhabang hugis at kurbadong linya na tanda ng pagmamarka at paglolokasyon. Kasama nito ang tatlong pirasong papel na nakadikit sa dingding gamit ang masking tape. Naglalaman ito ng mga instruksiyon ukol sa paggamit ng mapa; listahan ng mga kakailanganing bagay na nakaayos at nakapangkat batay sa halaga ng mga ito; at isang anonimong liham ng pag-ibig. Sa kabilang banda, inuusisa sa “Eli XIV: The Voyeurs' Notions of Space” ni Benjamin Meamo III ang kalagayan ng Lungsod ng Baguio. Nakasulat ang tala ukol sa komersiyalisasyon ng espasyo sa isang malaki at itim na kanbas gamit ang puting tisa. Mayroon ding sulat sa kuwadro ng dalawang maliit na itim na kanbas. May nakadikit na tiket ng bus sa isa sa mga ito habang isang salamin ang nasa gitna ng isa pa. Higit na mapapansin ang maikling pangungusap sa itaas na bahagi ng isa sa maliliit na kanbas: “Space is political.” Magkakakawing ang tala sa tatlong kuwadrong itim. Ipinapakita naman ng mixed media na “Miniature Barong-Barong” ni Raphael Reyes ang literal na paglalahad ng kondisyon ng naghihirap na Pilipino sa pagtatampok ng karaniwang espasyong ginagalawan ng mga ito. Ang likha ay isang makatotohanang pagsasalarawan ng isang uri ng tirahan na gawa sa tagpi-tagping materyales—bahay iskuwater kung tawagin. Ang mga kasangkapan, kalidad, at kontrol sa paligid at loob ng espasyo ang siyang impluwensya sa pagbuo ng danas ng isang tao.
Sa kabilang dako, sa “Genesis I: The Evolution of Eli's Notions of Space” ni Meamo makikita ang mga anotasyon ng kaniyang paglalakbay. Binubuo din ito ng mga litrato ng kaniyang tinahak na mga lugar kasama ang mga materyal na bagay na nagsisilbing bakas o alaala ng paglalakbay na pinagsama-sama sa isang kahoy na pininturahan ng itim. May mga pulang aspileng nakatusok sa kabuuan ng kaniyang likha na pinag-uugnay ng pulang sinulid. Ang likha ni Meamo ay pagmamapa ng personal na pagninilay-nilay sa diwa at buhay ng espasyo at paghahanap ng kasagutan ukol sa katangian at kakayahan ng mga ito sa pagpapatuloy at pagpapanatili ng kaniyang buhay na karanasan.
Nagsisilbing repleksiyon ang likhang sining ng lumalalang kontemporaneong panahon na sumusuri sa mga kaisipan, katanungan, gunita, materyal na bagay, at espasyong mga salik sa pagbuo ng diwa at pagninilay ng mga manlilikha. Ang eksibisyon ay hindi isang pagtatanghal ng isang daigdig na mula sa pawang imahinasyon bagkus naglalahad ito ng kasalukuyan. Mula ang imagined world sa mga katotohanan at kondisyong dapat maranasan na hango sa katotohanan at kondisyong nararanasan. Maingay ang mga danas at alaalang ito sa loob ng nakabibinging katahimikan ng galeriya. At sa paglabas ng espasyo ng eksibisyon ay unti-unti namang maririnig ang ingay ng mga abalang indibidwal sa tatuhan. Marahil isang pagtingin din ito sa gintong liwayway na inaasam—malayo at tahimik ngunit nananatiling buhay ang liwanag sa paligid.