Marami sa atin ang nilisan ng panlasa sa panahong ito. Hindi pa tapos ang pandemya at ang mga banta ng pagkawala, ngunit may pagkakataon táyo para bawiin ang panlasang ito. Nása dulo lámang ng ating dila ang mga salita.
Sasabihin nating nalasáhan natin ang isang bagay kung ating nailagay ito sa bibig at naproseso ng ating dila. At dahil hindi naman lahat ng nalalasahan ay pagkain, magagamit natin ang panlasa upang maunawaan pa ang ibang bagay na ating inilalagay hindi lámang sa bibig kundi pati sa kalooban.
Ang lasa ay pakiramdam at pakikiramdam. Pag-arok ito sa ating pagnanasà, sa paghahangad na marating ang kaluguran. Hindi ba likás ding lumilitaw ang tanong na “nalasahan mo na ba ang…” tuwing nag-uusap táyo sa pagkain at iba pa? Kaugnay ng panlasang ito ang konsepto ng saráp. Nagdudulot sa atin ng nakalulugod na pakiramdam ang masasarap. Bakit nga ba naibubulalas natin ang ekspresyon na “ang sarap naman ng…” samantalang hindi naman tungkol sa pagkain ang binabanggit? Maaaring maging masarap ang sineng napanood. Ang natunghayang likha sa isang nadaanang gallery. Ang nagdaang marikit na mahirap ipaliwanag. Basta masarap kasi saglit nating nalasahan. Saglit na pinasigla ang ating mga pandama. Matapos nating malasahan at masabing masarap ang danas, ano naman ang susunod? Sasabihin nating maínam ba ang nalasahang masarap?
Katalik na dalumat ng lasa at sarap ang ínam. Maituturing na mainam ang isang inihahanda kapag ang tumikim ay nasiyahan na sa mga sangkap na bumubuo rito. Kaisahan ba ito o ang unity na laging ibinabato sa sining at iba pang espasyo ng politika? Sa atin, mainam ang isang bagay kapag tinataglay pa nitó ang isang katangian na nása daigdig din ng sarap, ang pagiging malinamnám.
At kapag tinunton naman ang linamnam, para bang lilitaw na babalik táyong muli sa mga kawili-wiling bagay na nalalasahan. Mas mainam na pakilusin ang salita: ninanamnám. Na ginagawa kapag lumublob na sa sandali ng pagdanas sa anumang bagay. Ninanamnam ko ang mga lundag ng taludtod niya. Ninanamnam ko ang musika ng bandang nása tagông pook sa lungsod at ngayo’y inaalala ang mga sandali ng pagsasáma at paghihiwalay. Ninanamnam at nilalasáp ko. Nilalasap ko dahil inaalala ko ang mga bagay na nagbigay sa akin ng saglit na sayá.
Kayâ nakalulungkot kapag nawala ang panlasa. Sagapsáp kapag walang malasahan at mahugot na sarap sa danas. May sakláp din na ginagamit noon para sa mga prutas na hilaw pa kayâ kung naging masaklap, bakâ may pag-asa pa sa napipintong pagkahinog. At mayroon ding mayapá: wala na ngang lasa, wala pang makakatás. Tuyông-tuyô, walang sigla. Sa harap ng mga pagkawalang ito, isang kasawian ang magkaroon ng búhay na matabang. Tab-áng sa mas sinauna. Sa natatabangan na sa lahat, pumapanaw na ang lasa ng lahat. Nabago na mismo ang hubog ng dila at pumurol na ang haraya.
Sa isang mayroong panlasa, hindi dapat natitigil sa paglinang nitó dahil káya nang mawari kung ano ang masarap sa hindi. May mga tumatanda sa kanilang panlasa at hindi na mabitawan ang mga pinanghahawakang natikman. Silá ba ang ilan sa mga kritiko natin sa ngayon? Posible rin kasing kinatatatukan nilá ang pagiging lipás, ang pagkawala ng lakas na mangilatis at ang inaasahang pagdating sa hindi maiiwasang pagkawala ng panlasa.
Mainam na taglayin ng isang maláy na lumalasa ang pangahas na pagsusumikap na gamitin ang iba’t ibang sangkap. Sumasanlíng kapag nagdadagdag ng sangkap na pampalasa na tulad rin ng wangóy. Nabubukod rito ang pagdalómat. Nagdadagdag ka na nga ng sangkap, nagninilay ka pa sa kung ano ang kulang sa binubuo.
Maaari pang maging mas espesipiko ang bokabularyo ng isang lumalasang nagsusuri. Mapapaisip siya kung bakit maraming lahok para sa matatamis, lalo na sa pagkakasangkapan nitó sa pananalita. Kailangan niyang malaman kung kailan akma ang hikáyat at pakónat. Mag-iingat din siya na bakâ maging táong mapanlinlang sa paggamit ng matatamis na salita, tibaní. Hindi lámang matatamis na salita ang ihahandog sapagkat may pakinabang din ito sa pagsasabihan. Kailangan niya lalo ang lománay, ang kakayahang mapaniwala ang kapuwa sapagkat napaninindigan niya ang sariling mga salita at hindi lámang ibinababad ang mga ito sa asukal o pulut.
Sapagkat marami pang panlasang dapat maihayag. Bakit nga ba nagiging mapaít ang búhay at kakaunti lámang ang mga kaanak nitóng salita? Nariyan din ang linamnám na may supling na ísam. Kailan kakailanganin ang ásim kung may kasabihang ágaw ng tamis, inágaw ng asim at may asim pa. Layon ng isang kumikilatis ang pag-unawa sa laro at hatakan ng mga panlasang ito sa isa’t isa at sa loob niya.
At ano nga ba ang hangarin natin? Ang magkaroon ng búhay na may yáman. Hindi lámang sa mga bagay na materyal ito kundi sa pagkakaroon ng lasa at sarap sa búhay. Kayâ mas sumasarap pa ang búhay na pinayayaman. Kasi kung hindi bakâ ipukol sa iyo ang salawikaing ito sa lahok ng “Yáman”:
mayaman ka man sa sabi
duk-ha ka rin sa sarili.
Nása dila na natin ang mga salitang ito na magagamit nang maunawaan pa ang araw-araw na engkuwentro sa mga likha at sa daigdig. Nauna na marahil na nagbukás ng mga lumang bokabularyo sina Doreen, Scotty, Manong Bien, at Rio Alma, ngunit nanatiling bukás pa rin ang mga ito para pagkunan natin ng dalumat. Nang magkaroon táyo ng panlasa at hindi lámang tumanggap at tumikim-tikim sa pananahimik.
Sa iyo, mambabasáng numanamnam nitó, patuloy ka nawang magpatalas ng panlasa. Nawa’y hindi sumaiyo ang pangamaíyo tuwing dumadanas, ang madamáng may naiwang masamang lasa sa iyong bibig, sa isip. Minsan kailangan din naman ang ganiyan, pero mas kailangan mo lang sigurong magmumog o hugasan ang pakiramdam.
Huwag ka sanang mabihag ng mga bagay na yapsáw. Akala mo’y hinog na ngunit hindi pa palá. Maraming matatamis magsalita o lumikha at nagpapangako na kundi hilaw ay bunga naman ng pagsisinungaling.
Huwag ka sanang mabaóg: mawalan ng tapang at panlasa. Magtuloy sa pagnamnam at paglasap. At kung nilisan ka man ng panlasa mo sa mga panahong ito, bawiin mo ang dati pang nása dulo ng dila mo.