Nakasalansan ang mahigit dalawang daang isda na tila mga daing na ibinilad sa araw. Nakapatong ito sa hilera ng mga paletang kahoy na madalas paglagyan ng paninda. Nakalagay sa gitna ang nangangalawang na timbangan upang kiluhin ang mga bibilhin. Ngunit wala ang mga tindera at mamimili na nagtatawaran sa presyo. Wala pati ang mga mangingisda na nagbabagsak ng huli. Hindi ito palengke. Isa itong simulasyon sa posibilidad na haharapin ng isang barangay sa Bulakan kapag natapos ang itinatayong Airport sa kanilang lugar. Ang mahigit dalawang daang isda ay gawa sa putik na hinulma sa kanilang mga kamay.
Ito ang panganib na nais ikwento ng eksibit na “SHADOW CAME BEFORE THE SUN: rituals on birds, fish, forests, and men of Bulakan” na inilunsad noong May 26, 2023 sa Gravity Art Space. Mula ito sa inisyatiba ng Nomad Projects, isang organisasyon na itinatag ni Vien Valencia na naglalayong ituro at ilapit ang sining sa iba’t ibang komunidad sa pamamagitan ng mga hindi kumbensyal na proseso at danas. Sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga tao nalilinang ang kolektibong pagtatanong, pagkatuto at pagsusuri sa kalagayan nito bilang isang komunidad. Isa ang Taliptip Bulakan sa mga barangay na kanilang binisita.
Magkakarugtong na Panganib
Hindi maikukwento ang panganib kung hindi tutukuyin kung saan ito galing at saan papunta. Sinikap ng eksibit ni Vien Valencia na ipakita ang magkakakarugtong na panganib at kung paano ito maaaring maging sistematikong balakid sa ugnayan ng tao at kalikasan. Para sa mga residente ng Taliptip Bulakan, nagsimula ang panganib nang pasinayaan ang konstruksyon ng Aeropolis Project ng San Miguel Corporation na may mahigit 735 bilyon budget. Itinatayo ang malaking bahagi nito sa baybayin ng Bulakan na maaaring pumatay sa fishing community ng kanilang lugar.
Katulad ng isang ritwal na may magkakarugtong na proseso, mahihimay rin sa eksibit ang kabit-kabit na tinik ng pinsala—mula sa pagtatanggal ng karapatan sa mga mangingisda na magkaroon ng access sa kanilang kabuhayan, sa pagtatambak ng lupa sa kanilang baybayin, sa pagkasira ng mga bakawan na proteksyon ng kanilang komunidad, sa patuloy na pagbaha dahil sa paglubog ng mga barangay, hanggang sa pagkawasak ng pamumuhay ng mga residente na umaasa sa isang makakalikasang-sistema. Lahat ng ito ay sa ngalan ng urbanisasyon.
Isang paanyaya ang eksibit ng Nomad Projects upang pagnilayan kung para kanino ang pag-unlad na hinuhulma ng gobyerno sa panahon ng kapitalistang lipunan. Habang tinanataw natin sa malayo ang pagsikat ng araw, kaninong tadhana ang nanganganib sa anino ng isang nagbabagong bansa? Ano ang mga dapat na isugal at isakripisyo ng isang lipunan upang matamasa ang isang makataong pamumuhay?
Ang Sining bilang Espasyo
Maraming ninanakaw na espasyo ang urbanisasyon. Literal na tinatabunan ng mga bato ang dagat at pinapatag ang mga bundok upang tayuan ng naglalakihang imprastraktura. Ngunit hindi lamang umiiral ang espasyo sa pisikalidad nito kundi sa pagsasabuhay ng sistemang umiiral sa loob nito. Sa konteksto ng barangay Taliptip, hindi lamang baybayin ang kanilang espasyo kundi ang esensya ng kanilang pamumuhay na nakalubog sa palibot ng baybayin—pangingisda, paghahalaman, pagtitinda at iba pang nagpapakita ng kanilang pagka-komunidad. Kung magtatagumpay ang pagtatayo ng dambuhalang paliparan sa Bulakan, hindi lamang pisikal na espasyo ang wawasakin nito pati na rin ang kaluluwa ng lugar na kanilang ginagalawan.
Sa eksibit na “SHADOW CAME BEFORE THE SUN” muling inaangkin ng sining ang espasyong unti-unting binubura ng urbanisasyon. Isa itong dokumento sa payak ngunit mayamang kultura ng mga residente sa Bulakan na sinisikap ipaglaban ang espasyong pilit sinasakop ng mga naghaharing-uri. Ang simulasyon ng kanilang palengke ay hindi lamang pagtunghay sa hinaharap kundi pag-alala rin sa kasaysayan ng isang komunidad na winasak ng eletistang pag-unlad. Madadalumat sa hilera ng mga bato ang tila patong-patong na bangkay ng mga isda. Ito ang kamatayan ng kanilang kabuhayan.
Malungkot isipin na kailangang lumikha ng mga ganitong sining upang igiit ang halaga ng ating pagkatao; at kung paano tayo itinutulak ng sistema na gawing espasyo ang sining bilang lunsaran ng kolektibong kabiguan, takot at dalamhati. Sa mga ganitong klase ng sining masasalamin ang pagpapahalaga ng lipunan sa ating karapatan. Habang patuloy na lumalawak ang pagitan ng mga uri at isa-isang binubura ng urbanisasyon ang maliliit na komunidad, kakailanganin nating armasan ang sining upang ipaglaban ang ating karapatan at itindig ang lugar natin sa mundo.
Ang Lugar ng Masa sa Sining
Hindi eksklusibo sa barangay Taliptip ang sala-salabat na anyo ng panganib. Mahahanap din ito sa mga komunidad na tulad ng Sitio San Roque na nasa bingit ng demolisyon dahil sa ginagawang commercial centre sa lungsod. Gayundin sa kabundukan ng Sierra Madre na planong tayuan ng Kaliwa Dam, pati na rin sa mga isla ng Dinagat na ginagahasa ng naglalakihang mining companies. Sistematiko silang dinadahas ng mga korporasyon kasabwat ang sarili nating gobyerno.
Tinatawag ng panahon ang mga artista, manunulat at manlilikha upang manindigan kasama ng mga komunidad na humihingi ng tulong. Isa ang Nomad Projects sa mga tumugon at matapang na nag-abot ng kamay sa masa upang ikwento ang kanilang danas. Binaybay nila ang Taliptip, Bulakan upang kilalanin ang espasyo lampas sa pisikalidad nito. Nakipag-usap sila, nagsaliksik at nakipamuhay. Sa huli, nakapagluwal ito ng sining na maaaring angkinin ng komunidad.
May puwang ang sining sa masa kung patutuluyin natin ang masa sa sining. Imbitasyon ito sa mga manlilikha na magtungo sa mga komunidad na nangangailangan ng karamay sa pagkukwento ng kanilang danas. Katulad ng barangay Taliptip na tumataya sa kolektibong kapangyarihan ng sining upang madugtungan ang buhay ng kanilang espasyo. May hatid itong lakas na kayang bumasag ng takot na hinuhulma ng hindi maka-masang sistema. Inaangkin ng sining ang araw upang liwanagan ang mga espasyong inaagaw ng dilim.