Nilalamyos ng malalamlam na ilaw ng dalawang bumbilya sa kisame ang mga nakausling pako, kalawanging yero, pilas ng linoleum, at pira-pirasong tabla na bumubuo sa istrukturang umuukopa sa unang palapag ng Baraks, isang alternative art space sa Quezon City. Mula sa pintuan, inakala kong kahon ang obra dahil sa kwadradong balangkas ng mukha nitong nakaharap sa kanang pader ng silid. Ngunit sa malapitang pag-iikot, nagliliwanag ang mga gilid-gilid na nilulukob ng anino. Mapapansin ko ang ‘di-simetrikal na hugis nito: ang mga tagpi-tagping materyales ng bahay na ikinabit sa isa’t isa at sadyang ipinuwesto upang subukang muling manimbang sa pwersa ng grabedad.
Pangunahing nakikipaglaro sa paningin ng tagamasid ang installation work na Line of sight ni Dennis Bato. Nililimi nito ang layo at lapit ng mata sa obra na sa aktwal ay ang nagbanyuhay na mga dinemolish na tahanan sa komunidad ng mga maralitang-lunsod sa Camarin, Caloocan. Ang Line of sight ay ang proyektong iniluwal ng dalawang taong pagvovolunteer ni Bato sa CABACAI (Camarin Balikatan Community Association, Inc.) Youth Equity Program ng organisasyong UPA (Urban Poor Associates) at Ateneo de Manila University. Dito ay naging bahagi si Bato sa serye ng art workshop sa mga kabataan ng komunidad na kalauna’y nagtulak sa paglikha sa naturang installation work.
Mula sa kanang pader ng unang palapag ng Baraks, sa partikular na anggulo at distansya, maaaninag sa kwadradong mukha ng obra—na nagsilbi ngayong bukas na bintana—ang ilusyon ng imahe ng isang silid. Sa perspektibo ng imahe at sa hugis ng mga pira-pirasong tablang animo’y makapal na impasto, iginuhit nito sa isipan ko ang neo-impressionistang The Bedroom ni Vincent Van Gogh. ‘Di ko mawaglit ang koneksyon sapagkat iginuhit din ni Van Gogh ang huli dala ng galak sa pagkakaroon ng sariling bahay. Ngunit sa halip na higaan, upuan, o mesa, ang tanging nasa loob ng silid ng obra ni Bato ay ang collage na likha ng mga kabataan ng CABACAI sa isa sa kanilang mga workshop.
Binubuo ang collage ng mga ginupit na papel na naglalaman ng tagpi-tagping litrato ng mga bagay na karaniwang ikinakabit sa salitang “tahanan”. Ang kalakhan sa mga papel na ito ay ginupit sa hugis ng bahay at idinikit sa isang maliit na yerong may kaparis na hugis. Umaapaw ang dami ng papel at imahe, natatabunan ng tingkad ng mga kulay nito ang abuhing yero. Paraan ito ng pagsalunga ng obra sa karaniwang pagtingin ng mga taga-labas sa estado ng buhay at pamumuhay ng mga maralitang lunsod. Sa pagsesentro ni Bato sa collage sa loob ng kanyang nilikhang silid, ibig niyang pansinin ng mga tagamasid—ng mga tulad kong labas sa komunidad—ang pangangarap ng mga maralitang kabataan sa harap ng problema ng kawalang-kasiguraduhan sa paninirahan.
Ang CABACAI ay isa sa mga baranggay na bumubuo sa Tala Estate na matatagpuan sa Camarin, Caloocan, sa laylayan ng Kamaynilaan. Ang 808-ektaryang asyenda ay inangkin ng gobyernong Komonwelt noong 1938 para pagtayuan ng unang leprosarium sa Gitnang Luzon. Sa pamamagitan ng Proclamation No. 843 ni Marcos noong 1971 at Proclamation No. 825 ni Ramos noong 1996, nireklasipa ang gamit ng lupain para sa pampublikong pabahay. Samakatuwid, pagmamay-ari ng gobyerno ang Tala at ang mga komunidad tulad ng CABACAI, at sa masaklap na kabalintunaan ay nanganganib na mapalayas anumang oras ang mga taga-rito kahit na ang mga nakasama ni Bato ay tatlong henerasyon nang naninirahan sa lupain.
Ipinipinta maging ng recording na umuugong sa loob ng installation work ang mga buhay na ilang dekadang binuo ng mga naninirahan sa CABACAI—tilaok ng mga tandang (na marahil ay pangsabong), huntahan ng mga nanay sa labas ng kanilang mga bahay, tawanan ng mga batang naglalaro sa daan, sigaw ng mga naglalako. Tumatak kay Bato, sa isa sa mga lakarang ginawa niya sa komunidad, ang pagtatanong ng isang nagdedeliver sa eksaktong lugar na kailangan nitong puntahan. Sinagot ang rider ng napagtanungan nito ng isang napakadetalyado at napakahabang direksyon na kundi singlinaw ay mas malinaw pa sa mapa. ‘Di maikakaila ang pagkakakilanlan ng mga taga-komunidad sa sarili nilang lugar na malamang ay lingid sa kaalaman ng mga ligal na nag-mamay-ari sa lupain.
Sa isang mabilisang paghahanap sa Camarin, Caloocan sa Google Maps, unang tumambad sa akin ang dagat ng mga pribadong subdibisyon na nasa likod ng naglalakihang mall ng SM at Ayala. Ito ang kalunos-lunos na mukha ng neoliberalisasyon ng espasyo sa bansa na produkto ng kapitalistang prosesong tinatawag ni David Harvey (Seventeen Contradictions and the End of Capitalism, 2014) na “accumulation by disposession.” Ayon kay Andre Ortega (Neoliberalizing Spaces in the Philippines, 2016), ipinapakita ng kasaysayan ng ganitong sub-urbanisasyon sa mga laylayang peri-urban at ng mga proyekto ng pampublikong pabahay ang konsesyong ginagawa ng mga negosyante at gobyerno upang ipagpatuloy ang pagpapalayas, demolisyon, at pangangamkam ng lupa.
Sa kabila ng mga kawalang katiyakan, patuloy na isinasapraktika ng marhinalisadong komunidad tulad ng CABACAI ang kanilang “karapatan sa lunsod”. Ani ni Henri Lefebvre (Writing on Cities, 2000), tumutukoy ang karapatang ito sa pagbawi sa lunsod hindi bilang daluyan ng kalakal kundi bilang lunsod na may halaga sa gamit, sa prosesong nagbabalik dito bilang “oeuvre, mas malapit sa likhang-sining, kumpara sa materyal na produkto.” Sa ganitong lente nagiging pinakamabisa ang interbensyon ni Bato. Ang paglikha niya ng isang simbolikong tahanan na gumamit sa mga materyales ng mga sinirang bahay ay ang proseso ng paglikha ng oeuvre, kaparis ng paglikha ng isang binagong lunsod na mapagkalinga at may katuturan sa mga naninirahan dito. Dagdag ni Lefebvre, sa likhang-sining—higit sa mga likhang tulad ng kay Bato—naipapakita ang aproprasyon, ang pakikibahagi at pagbabahagi, ng espasyo.