Engkuwentro, salitang nagmula sa Español na maaaring tukuyin ang magkabilang dulo ngunit magkaugnay na pagpapakahulugan para sa pagtatagpo at pagtutunggali. Sa bingit ng kawalang katiyakan sa militaristikong lockdown at nagpapatuloy na ekonomiko at pampolitikang krisis sa kasalukuyan, kapwa humarap at patuloy na humaharap ang artista at mamamayan sa sitwasyon ng gutom at panganib, at ng paglikha ng samo’t saring paraan ng paglaban sa kabilang banda. Sa ganitong diwa ng posibilidad, nabuo ang “Prints Para sa Bayan” (PPSB) noong 2020 na nagsilbing malikhaing tugon at pagtindig sa panahon ng tumitinding paghihigpit at panggigipit. Panahon ito na mas marami ang inaaresto kaysa nabibigyan ng bakuna, ayuda at suportang medikal. Maraming nakabinbing batas upang maibsan ang ekonomikong paghihikahos ng mamamayan ngunit minadaling ipasa ang mga batas sa pagpapatahimik at paghahasik ng takot. Sa gitna ng unang harapang protesta na dinaluhan laban sa mapanupil na terror bill sa UP Diliman, hindi inaasahang makikilala ang ilang kasapi ng PPSB na noo’y nagpapalitan ng kani-kanilang mga materyal sa paglikha, nagbabahagi ng kanilang likhang-sining sa publiko at kaisa sa malawak ng mamamayang kumikilos.
Isang engkuwentro ng pagtatagpo at pakikipagtunggali ang hatid ng unang koleksiyon ng PPSB na pinamagatang “Bulto Series 2022.” Paanyaya ito sa publiko na unawain ang tampok na isyu at panawagan nang nagbibigkis na bulto ng mamamayan para balikwasin ang umiiral na kaayusan. Ang koleksiyon ay nagsisilbing pagtatagpo rin ng mga kasaping nagmula sa iba’t ibang kinikilusang sektor upang ilugar ang kanilang sining na kolektibong testamento na hindi tiwalag ang artista sa malawak na mamamayan, at ang kanilang paglikha ay marapat lumubog sa kalagayan at adhikain ng mamamayan habang itinataguyod ang pambansa demokratikong kilusan.
Bawat paglipat ng mga pahina sa koleksiyon ay engkuwentro hindi lamang sa mga sektoral na isyu kundi pagbaybay rin sa ekonomiya at politika ng artistikong produksyon ng printmaking na masasalamin sa limitadong rekurso ng mga artista, pagpili sa rubber cut medium at simplistikong disenyo upang makahikayat ng marami pang manlilikha sa potensiyal ng isang abot-kaya, mabisa at pangmasang anyo ng sining na layuning mabilisang maipalaganap para makapagmulat at makapagpakilos. Maikakawing ang ganitong tradisyon sa historikal na engkuwentro sa printmaking bilang sining protesta na impluwensiya ng rebolusyong pangkultura sa Tsina at isinapopular ng mga panlipunang realistang samahan gaya ng Nagkakaisang Progresibong Artista-Arkitekto noong 1971 at grupong Kaisahan noong 1975 na itinayo sa kasagsagan ng matinding krisis sa ilalim ng dikatadurang Marcos, at ipinagpapatuloy ngayon ng PPSB bilang radikal na pamana ng sining na nagsisilbi sa kagalingan ng mamamayan.
Sa anim na print sa koleksiyon, nagpipingkianang mga sektoral na panawagan na mapagninilayang tumatagos sa isa’t isa at kolektibong nagpapakilala sa imahen ng kinalalagyang bingit ng masa na naghahawan din ng landas sa kabilang banda sa ipinapanukalang alternatibong kaayusan. Mula sa isyu ng pagtaas ng sahod, pagdepensa sa mga paaralan, paggigiit ng karapatan sa paninirahan, hustisyang pangkalikasan, makabayang agham hanggang sa paglaban para sa lupa ng mga magsasaka, mailalagom ang tunguhin at aspirasyon sa paglilimbag ng koleksiyon.
Sa unang sipat, maipapalagay ang kinasayang pagkiling ng koleksiyon sa isteryotipo at kinasayang paglalarawan sa protesta. Ngunit, kung malalimang hihimayin ang mga detalye, matatagpuan ang mga alternatibong perspektibang iniaalok sa zine. Sa “Guro ng Bayan,” may pagtatangkang magdiskurso ukol sa paggamit ng bandilang nagpapahiwatig ng masaklaw na papel ng guro lampas sa paaralan, ang kipkip na aklat na sumasagisag sa teoryang nakatuntong sa aktuwal na pakikibaka at silahis ng liwanag na nagpapamalas ng masidhing lakas sa gabay ng abanteng pag-iisip. Mapapansin din ang henerasyonal na latag ng paksa sa print na nagpapamalas ng pagbabanyuhay sa pagiging guro ng bayan na kapwa pinapanday ng paaralan at lipunan.
Sa dalawang print na kapwa pumapaksa panig ng maralitang lungsod sa bingit ng demolisyon, inihahatid ang tagatunghay sa aktuwal na tagpo ng dahas at pagbalikwas. Gumamit ng naturalismong estilo ng matapat na paglalarawan sa mga paksa ang tampok sa “Karapatan sa Paninirahan,” upang palitawin ang lalim ng emosyon at tensiyong ipinahihiwatig sa mga gatla at akto ng paghiyaw. Ang patatsulok na pagkakaayos naman ng mga kababaihang paksa, masinsing espasyo sa pagitan ng isa’t isa at mahigpit na pagtatagpo ng mga kamao sa hangin ay nagpapamalas ng lakas at katatagang nakahanda sa anumang banta ng pagbuwag.
Desentralisadong hanay at dinamikong galaw sa bulto ang namamayaningpagtatanghal sa “Zero Eviction,” na naghahatid ng mensahe ukol sa magkakapantay na papel ng mga mamamayan sa pagdepensa ng kanilang komunidad anuman ang kanilang kakayahan, kasarian at edad. May hibo ng naratibo rin ang print na nagbabantayog sa kakayahan ng masang magpasya sa kanilang sarili at kolektibong pamunuan ang kanilang hanay na makikita sa manipestasyon ng itinayong barikada, pagbabalangkas ng malinaw na panawagan at pagtatayo ng sariling organisasyon o asosasyong nagbabandila sa kanilang pagkakaisa.
Ang malapad na hanay naman ng mamamayang mula sa iba’t ibang sektor na tumitindig para sa hustisyang pangkalikasan ang umaalingawngaw na tema sa “Sigaw ng Taong Bayan.” Ipinapatanaw sa prinsipyo ng paggamit ng malawak na puting espasyo sa komposisyon ang pangako ng maaliwalas na bukas kung makikibaka sa lahat ng anyo ng pang-aabuso sa kalikasan na nakaugat sa pagsasamantala ng mga ganid na negosyante at dayuhan.
Sa apat na panel ng print na ginamit sa “Ang mga Siyentista sa Bulto ng Mamamayan,” sinusubukang himayin ang diskurso ukol sa papel ng agham sa sustenableng pag-unlad na magmumula sa pangangalaga sa likas-yaman; makabayang inobasyon at saliksik; maunlad na agrikultura na magtitiyak ng seguridad sa pagkain, at pambansang industriyalisasyon. Isinara ang koleksiyon sa isang bukas na panawagang “Para sa Lupa” at pagbibigay ng espasyo sa representasyon ng kilusang agraryo. Ang oryentasyong pasulong ng mga magsasaka bilang paksa ay nagdidiin sa punto de bista ng pagiging pangunahing pwersa ng sektor sa martsa patungo sa panlipunang pagbabago.
Sa kabuuan, inihaharap ng koleksiyong “Bulto Series” ang isang kritikal na engkuwentro na nagtutulak sa ating pumili at magpasya ng panig. Ang patuloy na engkuwentro sa bingit ng kronikong krisis ay isang patuloy na kontradiksyong kailangang harapin. Sa paglubog ng sining at pakikipagkapit-bisig sa bulto ng mamamayan, libong posibilidad ang maaaring likhain.