Hindi ako fan ng small talks.
Mahaba akong mag-reply.
Tinaguan ko ang tanong na “kumusta?!” sa pagsisimula ng Zoomocene period. Mangyaring sabihin lang agad-agad nang walang paligoy-ligoy; nang walang mga paimbabaw na pangungumusta. Kung ano-anong mga ganap sa loob ng isang taon para lang manatiling matino sa panahong nililigalig tayo ng buang na daigdig. Nakakalokang isipin kung saan ka lulugar sa pagitan ng pagtapik sa balikat dahil “ayos lang ‘yan basta’t buhay ka sa ngayon” o sa pag-uumpisang aralin ang mga bagong silang na mga agos.
Habang wala pang matino bukod sa mga pantasya ng mga pangsalba ng sariling katinuan na mga proyekto, humanap kami ng mga pag-uubusan ng ekstra-ekstrang oras, talino’t lakas. Ambag na rin sa pagtutulak sa natapilok na ekonomiya. Si Tita Cars, na bukod sa nagtitinda ng ispageti sa kanilang village ay nagbabato rin sa’kin ng mga raket na dapat pagpasahan ng resume.
Mood. Sa mahigit 355 entries (as of June 13), nasa average ako ng 3.5 (41%) sa tala-damdaman (moodtracker) ay kasing bughaw ng tahimik na dagat. Ang Okay ay: ‘yung mga karaniwang gising, pagkabagot, pagkatapos kumain, kaunting lungkot, hindi masarap na ulam. Luntiang gubat ang kadalasang damdamin kung Biyernes.
Nakatanggap ako ng isang raket na transkripsyon ng ilang panayam sa mga nanay sa Addition Hills. Para akong balik-kagawaran [DSWD] dahil sa ingay ng komunidad habang nasa isang focus group discussion. Ang challenge ay naririnig ko rin ang dramarama sa hapon sa recording kasabay ng mga pananaw nila sa programa ng gobyerno. Kahit wala akong nakikita, naririnig kong magkakadikit ang mga bahay sa Addition Hills at magkakalapit ang mga tao kung paano nila pakitunguhan ang isa’t isa sa loob ng diskurso. Simula noon, laging nasusugagaan ang mga balita tungkol sa Addition Hills kesyo nasunugan ang ilang daang residente idagdag pang naging hotspot ng hawahan.
Nakatanggap din ng raket tungkol sa first 1000 days ng mga bagong silang, kung gaano kalayo ang bahay sa barangay health center, kung anong natutunan tungkol sa nutrisyon, gaano kadalas ang pagpapatingin, mga balakid kung bakit hindi nakapagpapasuso. Hindi makahabol ang pagtipa ng titik sa rehistro ng salita mula sa pinakikinggang panayam. Nakikita ko si Nanay A na naglalakad kasama ang anak na biglang pumara ng trasyikel dahil sobrang init o kaya’y biglang bumuhos ang ulan. Napansin namin ni Tita Cars na ang bagal naming mag-transcribe dahil nahuhuli namin ang sariling nag-eevaluate ng mga implikasyon ng pagkaantala ng mga programang pangkalusugan. Bubuntong-hininga na lang at iisiping basta’t ang mahalaga sa ngayon ay manatiling buhay.
Mood. ‘yung rehiyon na kulay ube ay indikasyon ng lungkot baka dahil sa magandang pelikula rin, mga rejected project proposals, balitang badtrip at mga pakiramdam na parang ang daming dapat gawin kahit wala namang talagang gagawin kundi matulog lang sana. Kung hindi ko mapangalanan ang mga palapag ng pakiramdam, edi ‘ayan kulayan.
Tumanggap din ako ng isang raket na sa wakas ay kinailangang lumabas para makipag-usap. Inusisa ang ilang taong gobyerno kung anu-ano at paano ang mga adaptasyon na isinasagawa ng isang siyudad kahit noong hindi pa ganito ang kalagayan. Mas naging abala ang mga tao ngayon dahil pwede ka nang umattend ng dalawang meeting nang magkasabay dahil nga nasa Zoomocene period. May mga restriksyon at rekusitos pa rin sa pakikipag-usap. Nakapanayam ako nang may harang na plastic sheet at sumasagot ang kausap gamit ang isang radyo. Nahinto rin ang pag-uusap dahil ilang minuto lang ang nakalaan kada kliyente.
Habang wala pang matino, naging suki rin ako ng ilang fellowships sa pag-asang magawa ang mga nasulat kong projects noong isang taon pa. Nag-exhibit ako ng Quarantine Phases sa graduation rites ng isang fellowship na documented at doodled kong mga mukha habang unstable at nag-eevolve ang pinakamahabang lockdown sa daigdig. Sa isang pitching exercise, gumamit ako ng degradasyon ng ugnayan bilang ugat ng degradasyon ng kalikasan na “mabibigat na mga salita” ayon sa isang science community. Ang pagpapatintero ko sa pagitan ng agham panlipunan, gawaing pangkanayunan, tula at ekolohiya ay nagpapalabo sa mga pagitan na gusto kong gawin. Iniisip ko tuloy kung may “ordinaryong mamamayan” na dapat kausapin kailangan bang isipin kong maliit lang kung di man makitid ang pagsasalinan. Ordinaryo lang din ba ang kayang isipin ng ordinaryong mamamayan, walang lugar sa paglilimi, pagtatanong at pagdududa? Ang direskyon lang ba talaga ng pagsasalin ng siyensya ay mula taas-pababa? Inaalala ko kung nakakita ba ko dati ng ordinaryong tao sa mga ordinaryong komunidad.
Emotion Count. Anim na raan at animnapu’t siyam (669) na dami ng mga damdaming naitala sa loob lang ng kalahating taon. Minsan ang mga kulay ng damdamin ay hindi hiwa-hiwalay bagkos ay sapin-sapin. Ang tendency chart ko ay ibang paraan para sabihing ang “okay lang” ay correlation ng kung anong nangyari, nangyayari sa paligid gaya ng metyorolohikal na panahon o sosyo-politikal na klima, anong kinonsumo (pagkain/pelikula/panitikan), at anong ginawa ko at gustong mapangyari- ang totoong dramarama.
Ang hirap lang ding lumikha ng daloy. Lalo na kung wala kang pagpipiliang espasyo kundi kasama nang mga ayaw mong makarinig sana sa mga sinasabi. Kung bakit pinapanood ako habang nagsusulat, hindi naman ako nagtatanghal. Ikapipigtal ng pisi mo ay kapag sumasagwan ka na sa bukana ng daloy ay bigla kang hahanapan ng nail cutter Hindi mas mahalaga ang adbokasiya, trabaho, o anumang -ismo na inilalako mo sa screen kaysa sa kuko na kailangan nang putulin.
Sleep & Restedness. May mga pagtulog na hindi pahinga kundi pagpikit lang. May mga gising na parang kaya mong mag-isod ng mga bundok. May magdamag na inabangan ko lang ang araw. May mga tulog sa tanghali na akala mo gabi. Pinaka mahahabang tulog sa Marso at pinaka nakahinga ang Pebrero.
Nanakawin mo pa ang mga gabi habang tulog ang lahat, na parang gumagawa ka ng mga kabalbalan. Habang ninanamnam ang kuliglig o ulan dahil deserve mo ‘yun habang nagsusulat ay biglang gugulatin ka ng mga malalagong na “huy! matulog ka na!”. Hihinga ka nang malalim para ipaliwanag na ito ay “Geographical Mapping of Memories of a Freshwater Ecosystem” o “Virtual River Navigation as a Communal Experience” parang channelling oral tradition sa paglalakad lang sa baybay ilog Ma! Pero huli na ang lahat, nagawa na ang krimen: napagsasaksak na ang kaisa-isang musang dumalaw sa isang iglap na “huy!”. Hindi ko alam kung paraan ng langit para gisingin ako sa pananaginip na ang mga sinusulat ay nasa panahon ng mga hindi maaari. Siguro paraan ko rin lang ito ng paglalandi habang wala pang matino.
Masaya rin namang magtupi-tupi ng mga bangkang papel.